Mabahong babuyan, inirereklamo ng mga residente sa Santiago City

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2017 08:56 PM

Sampung taon na raw ang babuyan ni Chedy Lactao sa Santiago City, pero para sa kaniyang mga kapitbahay, isa itong pasakit dahil sa mabahong amoy na dulot nito.

Ang labis na ikinadidismaya pa ng mga residente ay ang kawalan umano ng aksiyon ng kanilang barangay kung saan ilang beses na nila itong inireklamo.

Aminado si kagawad Rodolfo Santiago na hindi mahigpit ang pagpapatupad nila ng ordinansa.

Anim ang kasalukuyang baboy ni Lactao samantalang nakasaad sa ordinansa na dalawa lang ang maaari nilang alagaan.

Pero sa kabila ng pakiusap daw ng barangay, binabalewala pa rin ito ng may-ari kaya dismayado rin ang kagawad.

Aminado naman ang may-ari na nilalabag niya ang barangay ordinance.

"Gusto ko kasi na kapag naibenta ko yung dalawa, may kasunod. Diyan lang naman ako kumukuha ng ikabubuhay namin," paliwanag ni Lactao.

Ganito din ang eksena sa kabilang purok. 

Inirereklamo ang babuyan ni Julie Pascua dahil din umano sa masangsang na amoy.

Inilapit na rin nila ito sa City Hall pero wala rin daw nangyari.

"Hindi naman po namin ipinagkakait na mag-baboy kayo pero linisin po, tutukan niyo dahil kami ang number one na naaapektuhan ng amoy," hinaing ni Rosemarie Santiago, isa sa nagrereklamo.

Giit naman ni Pascua, may sariling septic tank ang kaniyang babuyan. 

"Hindi naman namin pinababayaan, alam naman namin, kasi malapit din yung bahay namin...kaya nga linis kami nang linis," ani Pascua. 

Apat na inahing baboy ang alaga ni Pascua at nanganak pa ng 12 ang isa sa kanila.

Umaasa ang mga residente na sa paglapit nila sa media, aaksyunan na ng ahensiya ng gobiyerno ang kanilang hinaing.

--Ulat ni Annie Pasion, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.