Bagong testigo, ikinanta ang nakita sa Aegis Jvris library nang mapatay si ‘Atio’

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2017 08:31 PM

Hawak na ng Manila Police District (MPD) ang isa pang testigong nakakita umano sa mga pangyayari sa Aegis Jvris Fraternity Library bago dalhin si Horacio 'Atio' Castillo III sa Chinese General Hospital noong umaga ng Setyembre 17.

Salaysay ni alyas 'Tony', may nakaparadang pulang Strada at may inilabas na nakabalot ng kumot kung saan nakita niya pa ang paa.

Makalipas ang ilang minuto, ibinaba na rin umano ng mga lalaki ang roll-up ng library at tila nagmamadaling umalis.

Sa kuha ng CCTV sa Navarra Street noong 8:41 ng umaga ng Linggo, Setyembre 17, makikita ang pagdaan ng pulang Strada at itim na Fortuner.

Nasundan ito ng mga naglalakad na mga lalaki na may mga bitbit na bag at tila galing sa Aegis Jvris Library.

Ayon sa MPD, posibleng ang mga lalaki sa video ang kumuha ng hard drive ng CCTV na naka-puwesto sa harapan ng library.

Hindi pa natutunton ng mga pulis kung sino ang may hawak sa mga CCTV footage pero dagdag ebidensya umano ang paglutang ni Tony. 

Samantala, nagbigay ng pahayag sa mga tauhan ng MPD Homicide Section noong Oktubre 4 ang mga medical staff ng Chinese General Hospital na humawak kay Atio.

Positibo ring kinilala at itinuro ng mga medical staff si John Paul Solano nang ipakita sa kanila ng MPD ang kaniyang larawan. 

Nakatakdang isama ang mga testimonya ng mga testigo sa pagdinig sa Department of Justice sa Oktubre 9.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.