Opisina, nilooban habang lunch break; halagang P120,000 tinangay

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 01:43 PM | Updated as of Oct 06 2017 02:04 PM

Ibinahagi ni "Bayan Patroller" Micah Baybay ang mga kuha sa CCTV ng pagnanakaw sa Truckmans Enterprises, Inc., sa Sitio Malinta, Sampaloc II, Dasmariñas, Cavite, pasado 12 ng tanghali, Oktubre 1.

Makikita sa CCTV footage na binubuksan ng suspek na kinilalang si Reagan Victohay ang mga drawer sa opisina.

Courtesy: Bayan Patroller Micah Baybay

Ayon kay patroller, si Victohay ay 29-anyos at isa sa kanilang mga helper sa kumpanya.

Naka-lunch break ang mga empleyado nang mangyari ang insidente.

Courtesy: Bayan Patroller Micah Baybay

Dagdag niya, posibleng alam ni Victohay kung saan nakalagay ang mga pera dahil nakikita nila ito bago bumiyahe ang mga trak.

Aabot sa halagang P120,000 ang nakuhang halaga sa kumpanya.

Kwento pa ng patroller, kinabukasan ay nag-text pa ang suspek sa isa nilang kaopisina at nakikibalita tungkol sa nakawan.

Sumagot ang kaopisina na alam nila ang pagkakakilanlan ng suspek base sa kuha ng CCTV. Hindi na ulit nagreply si Victohay at dahil dito, duda nila ay nagtago na ito.

Kinumpirma naman ni PO3 Marjune Duopaya ng Dasmariñas, Cavite Police Station ang insidente at sa ngayon ay pinaghahanap na ang suspek.

Nahaharap sa kasong qualified theft si Victohay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.