SAPUL sa CCTV: Korean national, nabiktima ng salisi

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 10:25 AM

Isang Korean national ang nabiktima ng salisi group habang kumakain sa isang fastfood chain nitong Lunes ng hapon sa Bacolod.

Makikita sa kuha ng CCTV na nakaupo ang isang babae at isang lalaki sa magkatapat na table. Hindi nagtagal, dumating na ang isang babaeng nakapula na kanila din kasama. 

Nagusap pa ang tatlo at tila nahanap na ang kanilang bibiktimahin.

Makikitang lumabas ang babaeng nakapula at kinausap ang dalawa pa nilang kasama.

Napag-planuhan na pala nila na buhusan ng tubig ang table ng bibiktimahin para lumipat ang mga ito sa gitnang lamesa.

Mismo ang lalaking bumuhos ang siya din kumausap sa babaeng kaibigan ng Korean national.

Nang nasa gitnang table na, doon na din isinagawa ng grupo ang kanilang plano.

Ang babaeng nakapula ang tila'y may kausap sa telepono, iyon pala tinatakpan nito ang isang customer para hindi makita ang gagawin ng kanyang kasama.

Nang makahanap ng tyempo, isinagawa na ng babae ang pagkuha ng bag ng Korean national. 

Sabay sabay din umalis ang grupo kasama pa ang isang lalaking naka checkered na umaaligid-aligid din.

Laman ng tinangay na bag ay ang ID at passport ng Koreano, dalawang cellphone at wallet na may lamang 500,000 Korean won, 500 Australian dollar at P3,000.

Ayon kay Senior Inspector Wilfredo Benoman Jr., anim ang magkakasabwat sa grupo.

Nahihirapan ngayon ang pulisya sa pagtukoy sa grupo dahil ayon kay Benoman, hindi taga-Bacolod at galing sa ibang lugar ang nang biktimang salisi group.

Humihingi rin ngayon ng tulong ang pulisya sa sinumang makakakilala sa mga kawanta upang hindi na muling makapambiktima pa ang grupo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.