Konsehal, habal-habal driver sugatan sa pamamaril sa Cebu

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 09:45 AM

Isang abugado na kasalukuyang konsehal din ng bayan ng Tuburan sa lalawigan ng Cebu ang sugatan matapos tambangan ng dalawang hindi pa nakikilalang mga salarin na sakay ng motorsiklo sa Talamban, Cebu City.

Dinala agad sa pagamutan si Atty. Renante dela Cerna, 40-anyos, matapos mabaril sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Tinamaan din ng bala ang habal-habal driver na si Rommel Mante na dapat na maghahatid kay dela Cerna sa kanyang bahay.

Ayon sa ilang mga nakasaksi sa insidente, nagawa pang makatakbo ng abugado ng ilang metro matapos ang pamamaril habang tumakas naman ang mga salarin.

Hindi na tinitingnan ng pulisya ang anggulong may kinalaman sa trabaho ng biktima ang motibo sa insidente dahil mga kasong sibil ang hawak nito.

"It's not politics as the victim whom I talked to in the hospital is not involved in any political chaos. We'll still conduct thorough investigation on this,” ayon kay SPO1 Winston Ybanez ng Cebu City Homicide investigator.

Nasa maayos na kundisyon na ang dalawang biktima.

Narekober mula sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng caliber .45 na baril.

Wala umanong CCTV sa lugar kaya hinihikayat ng pulisya ang mga nakasaksi sa insidente na tumulong sa kanilang imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.