2 kawatan, walang sinanto, pati simbahan ninakawan ng donasyon

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 05:23 PM

Nahuli ang mga suspek sa pagnanakaw pero hindi ang tinangay nilang donasyon mula sa simbahan.

Dalawang linggo pa lang nakalalaya, balik-kulungan na naman ang dalawang kawatang nahuli matapos pagnakawan ang isang simbahan sa Barangay Tandang Sora, Quezon City.

Arestado ang mga suspek na sina Gerald Riego, alyas "Ilad", at Vincent Saquing na nagnakaw ng pera mula sa dalawang donation box ng Our Lady of the Annunciation Parish Church nitong Martes, Setyembre 12.

Nakita pa ang mga suspek na umaaligid sa simbahan nitong Setyembre 12.

Tinatayang P60,000 ang natangay ng mga suspek.

Miyembro rin umano ng Sputnik at Commando gang ang mga suspek na umaming madalas mangholdap sa labas ng dalawang mall sa North EDSA, Quezon City. 

Ayon kay Riego, naudyukan lang siya ng mga kasamahan para magnakaw.

Itinanggi naman ni Saquing na kasabwat siya sa krimen.

Pero nakunan sa CCTV ang dalawang suspek na naglalakad sa gilid ng simbahan noong madaling araw na pinaniniwalaang oras na nilooban ang simbahan.

Dati nang nakulong ang mga suspek dahil sa ilegal na pagmamay-ari ng mga baril.

Hindi pa nababawi ang ninakaw ng mga kawatan dahil pinaniniwalaang hawak na ito ng kanilang mga kasamahan.

Tinutugis pa rin ang umano'y lider ng kanilang grupo na si Oliver Gabara at isa pang nakuhanan ng CCTV na suspek na si Mary Rose Garcia.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamunuan ng simbahan.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.