'Walang massacre': Pulis, dumepensa sa operasyong ikinasawi ng sanggol at buntis

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 08:18 PM | Updated as of Sep 14 2017 12:37 AM

Iginiit ng Police Regional Office 10 na isang lehitimong operasyon ang isinagawa sa Tubod, Lanao de Norte kung saan nasawi ang isang buong mag-anak.

Aarestuhin dapat noong Lunes, Setyembre 11, ang padre de pamilya na si Bebino Laride para sa kasong murder.

Pero ayon kay acting provincial director Police Senior Superintendent Leopoldo Cabanag, nanlaban ang suspek at nabaril pa ang isa sa mga humuhuli sa kaniya.

Sugatan sa hita si PO1 Yasser Macatbar na tinamaan ng bala.

Dahil nagkapalitan na raw ng putok ng baril, nadamay ang mag-ina ni Laride.

Patay ang misis ni Laride na tatlong buwang buntis at ang kanilang limang buwang sanggol.

Sabi ng naiwang pamilya ng mga nasawi, tadtad ng bala ang katawan ng mag-asawa.

Natamaan naman sa maselang bahagi ng katawan ang sanggol.

Kuwento pa ng isang kaanak na nakakita sa operasyon,     nagmakaawa pa si Laride na itigil ang pamamaril dahil kasama niya ang kaniyang pamilya.

Imposible rin umanong nakipagbarilan si Laride dahil wala siyang baril.

Mahirap lang daw ang pamilya at wala umanong pambili ng baril ang padre de pamilya. 

Nananawagan ngayon ng hustisya ang mga kaanak ng nasawing pamilya.

Giit naman ng Police Regional Office sa Northern Mindanao, lehitimo ang police operation na nangyari.

"The use of firearm was justified considering it poses imminent danger of causing death or injury to the police officers. There was unlawful aggression, that prompted the police officers to fired (sic) upon. There was no massacre it was a purely legitimate police operation," saad ng pahayag ni Superintendent Lemuel Gonda, tagapagsalita ng Police Regional Office 10.

Gayumpaman, isinailalim na sa restrictive custody ang mga pulis at binawi na rin ang kanilang baril habang iniimbestigahan ng PNP Regional Internal Affairs Service ang insidente.

Magsisiyasat na rin sa kaso ang National Police Commission at ang Commission on Human Rights (CHR) ng Northern Mindanao.

Ayon sa CHR, kahit walang maghain ng reklamo sa insidente, aalamin pa rin nila kung nagkaroon ng paglabag sa police operation. -- Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.