Pinay transgender, pinapanagot sa 'pambabastos' sa 'Lupang Hinirang'

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 11:08 PM | Updated as of Sep 13 2017 11:34 PM

Pinapanagot sa batas ang isang Pinay transgender matapos mag-viral sa social media ang video niyang nakahawak sa maselang parte ng katawan habang tumutugtog ang "Lupang Hinirang". 

Ayon sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP), maituturing na pambabastos ang ginawa ng social media personality na si Maria Sofia Sanchez.

Inirekomenda na ng NHCP sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang pasaporte ni Sanchez sakaling siya ay Philippine passport holder at ilalagay rin sa "blacklist" ng Bureau of Immigration upang hindi makapasok ng bansa.

Ipinadala ng NHCP ang reklamo noong Setyembre 11 at naka-address ito kay DFA Secretary Alan Peter Cayetano.

Napag-alaman din ng NHCP na nasa Los Angeles, California si Sanchez at inalerto na ang konsulado ng bansa upang siya'y matunton.

Ayon kay Teodoro Atienza, hepe ng heraldry and display section ng NHCP, ang pambansang awit ay hindi isang ordinaryong awit at dapat ay inaalayan ito ng pagdakila. 

Aniya, maaaring patawan ng multang aabot sa P20,000 at pagkakulong ng isang taon ang sinumang mapatutunayang binastos ang Pambansang Awit. 

Ikinalungkot naman ito ni Bataan Representative Geraldine Roman na kilalang LGBT advocate, at sinabing hindi dapat maging basehan ang ginawa ng transgender para sila ay kondenahin.

Ayon kay Roman, hindi niya kinukunsinti ang ginawa ni Sanchez at dapat niyang panagutan ang pambabastos sa Pambansang Awit. 

Nais din ni Roman na higit na mapabigat ang parusa sa ganitong mga pambabastos sa pambansang sagisag, bagay na tinatalakay na ngayon sa mababang kapulungan.

Sinikap naman ng news team na makipag-ugnayan kay Sanchez para sa kaniyang panig, pero hindi siya tumugon sa kaniyang social media account na kaniya na ring binura nang maging kontrobersiyal ang viral video. 


-- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.