Kagawad patay sa pamamaril sa Sorsogon

Erick Baldo, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 07:39 PM

Isang barangay kagawad ang nasawi matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Trece Martirez Casiguran, Sorsogon, Martes.

Kinilala ang biktima na si Salvador Atienza, 42, na nasa huling termino na bilang kagawad ng barangay.

Nangyari ang pamamaril sa Barangay Boton, Casiguran pasado alas-4 ng hapon habang pauwi na ito.

Sakay ng minamaneho nitong tricycle ang dalawa nitong anak na babae na nakasaksi mismo sa pamamaril. Hindi umano nila kilala ang mga salarin dahil sa suot na helmet.

Maliban sa dalawang lumapit para barilin ang kanilang ama, may dalawa pa umanong sakay din ng motor na kasama ng dalawang bumaril.

Ayon sa pulisya, may banta na sa buhay ng biktima. Noong nakaaraang buwan, nakarinig umano ito ng putok at may nakitang umalis sakay ng motorsiklo. Paglabas umano nito, nakita niyang basag na ang windshield ng kanyang tricycle.

Hindi rin nakilala ang may gawa nito.

Samantala, hindi umano napag-usapan ng pamilya ng biktima kung tatakbo itong punong-barangay.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.