Bangkay na nagkalat, nadiskubre sa isang punerarya sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 06:29 PM | Updated as of Sep 14 2017 03:27 AM

Inabutan ng mga awtoridad sa Archangel Funeral sa Sampaloc, Maynila ang hindi bababa sa 10 bangkay na nasa sahig lang ng punerarya.

Ito ay matapos ang sorpresang inspeksiyon ng Manila City Hall sa punerarya na pinagdadalhan umano ng ilang nasawi sa "Oplan Tokhang."

"Talagang hindi proper 'yong storage, kapag may mga cadaver na ganiyan, at pino-process pa 'yong kaniyang burial, kinakailangan siya'y naka-cover nang buo," ani Clemente San Gabriel, Manila Sanitation Chief. 

"Hindi naman maayos yung cover, may nakatiwangwang, may nakalabas 'yong paa. 'Yong iba talagang wala (cover). So 'yong proper handling ng mga cadaver."

Nilabag daw ng Archangel Funeral ang sanitation code of Philippines kaya't nagbabala na ang Manila City Hall sa punerarya na isaayos ang kanilang pagsasalansan sa mga bangkay kung hindi ay irerekomenda ang pagpapasara sa punerarya.

"Sinusunod lang po namin 'yong batas kasi hindi naman po namin puwedeng ipalibing kaagad 'yan. Hinihintay namin mag-2 months, 3 months saka po namin sabay sabay po," paliwanag naman ni Alvin Ballesteros, embalsamador ng Archangel Funeral.

Napag-alaman ding ang Archangel Funeral ay accredited na punerarya ng Manila Police District at National Bureau of Investigation.

Nauna nang inireklamo sa DZMM Teleradyo ang Archangel Funeral ng isang nakakita sa marumi at nagkalat na mga bangkay sa loob ng punerarya.

Kabilang sa naunang napansin daw ng complainant, na may ipinapa-embalsamo noong labi ng kaanak, ay ang mga daga at ipis sa punerarya.

Katwiran naman ng punerarya, nagkataong may mass burial nang dumating ang complainant, kaya't nakita niyang nakasalansan at patong-patong ang mga patay. -- Ulat nina Dennis Datu at Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.