'Nanlaban'? Sanggol at buong pamilya, napatay ng mga pulis sa Lanao del Norte

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2017 10:34 PM

LANAO DEL NORTE – Patay ang isang buong pamilya sa Tubod, Lanao del Norte sa isang operasyon ng mga pulis Lunes ng madaling-araw.

Ayon sa pulisya, nanlaban umano ang padre de pamilyang si Bevino Laride Jr. nang aarestuhin ito sa kasong frustrated murder.

Bukod kay Laride, namatay rin sa operasyon ang kanyang tatlong-buwang buntis na kinakasamang si Viginia Delibo at ang kanilang 5-buwang sanggol na si Rexjun.

Ayon sa pamilya ng mga biktima, tadtad ng tama ng bala ang katawan ng magkasintahan habang tinamaan naman sa binti at malapit sa maselang bahagi ang bata.

Kwento pa ng bayaw ni Laride, nagmakaawa ito na itigil ang pamamaril. Imposible rin umanong makabili si Laride ng baril dahil mahirap lamang ang pamilya.

Iginiit ni acting Provincial Director Senior Superintendent Leopoldo Cabanag na unang namaril si Laride.

Aniya, naka-full automatic ang baril ng mga pulis at maaring naiputok ito bilang self-defense matapos paputukan ni Laride.

Ito rin umano marahil ang dahil kung paanong tinamaan ang mag-inang malapit lang sa suspek.

Isinailalim na sa restrictive custody ang mga pulis at binawian ng baril habang iniimbestigahan ang insidente.

Gusto man ng pamilya ng mga biktima na kasuhan ang mga pulis, wala umano silang maipanggagastos kaya't hiling nila ang tulong ni Pangulong Rodrigo Duterte upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang kaanak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.