Pulis na dinukot umano ng NPA, pinalaya na

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2018 11:16 PM

ILAGAN CITY - Matapos ang tatlong araw na pagkakabihag, pinalaya nitong Sabado ng gabi ang isang pulis na dinukot umano ng New People's Army (NPA).

Ayon kay Police Superintendent Chevalier Iringan, public information officer ng Police Regional Office 2, Miyerkoles ng gabi nang dukutin ng mga hinihinalang rebelde si PO2 Danilo Estoque Maur sa Sitio Kapaltatan sa Barangay Sindon Bayabo.

Kabilang sa intelligence operative ng Ilagan City Police si Maur na nagsasagawa ng operasyon sa lugar matapos ang nangyaring engkwentro ng militar at NPA.

Kasama rin umanong dinukot ang dalawang sibilyan pero agad silang pinalaya.

Kinondena ni PRO 2 Director Chief Superintendent Jose Mario Espino ang pagdukot sa pulis. Itinuturing niya itong kawalan ng respeto hindi lamang sa awtoridad kundi lalo na umano sa mga mamamayan na kanilang pinagsisilbihan.

Dagdag ni Espino, magsisilbi naman umano itong babala sa mga pulis para maging alerto at maingat sa lahat ng pagkakataon para hindi maulit ang insidente.

"The incident shall serve as stern warning to all uniformed personnel to stay alert and be vigilant at all times to avoid such incident," pahayag ni Espino.

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng Isabela Police Provincial Office si Maur na sasailalim sa stress debriefing.

Ayon kay IPPO Director Senior Superintendent Mariano Rodrigues, ipinatawag rin nila si Vice Mayor Vedasto Villanueva dahil siya umano ang naging instrumento sa pagpapalaya kay Maur.

Una nang sinalakay ng mga rebelde ang checkpoint ng Task Force Kalikasan sa lugar para umano disarmahan ang mga miyembro nito dahil sa alegasyon ng pangongotong sa mga nasasangkot sa operasyon ng illegal logging.

Rumesponde ang militar at nagkaroon ng bakbakan kung saan isang sundalo ang namatay.

Patuloy ang combat operation sa mga tumakas na rebelde.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.