Pagsunog sa gamit ng mga mag-aaral sa CamSur, pinaiimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2018 07:58 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinaiimbestigahan ng Department of Education (DepEd) ang insidente ng pagsunog sa gamit ng ilang mag-aaral sa isang pribadong paaralan sa Libmanan, Camarines Sur.

Sa isang viral video na nai-post sa social media noong Biyernes, mapapanood ang pagsunog sa gamit ng mga estudyante habang pinagtataasan sila ng boses ng isang lalaki, na tinukoy bilang school administrator.

Ayon kay Gilbert Sadsad, director ng DepEd sa Bicol region, paglabag sa child protection policy ang ginawa ng school administrator.

"There was a clear manifestation of child abuse and a violation of our child protection policy," sabi sa pahayag ni Sadsad.

Dagdag pa ni Sadsad, posibleng matanggalan ng permit to operate at iba pang benepisyo ang paaralan.

"While we cannot sanction the offending person because he is under the jurisdiction of the authorities of a private school, we will be reviewing our policies if we can provide sanctions in terms of possible revocation of the school's permit to operate and other benefits provided by the government," aniya.

Ipina-blotter na rin sa pulisya ang insidente pero confidential ang police report.

Wala pa ring naghahain ng pormal na reklamo laban sa school administrator.

HINDI SUMUNOD SA 'FORMAL ATTIRE'

Kuwento ng isa sa mga estudyante na tumangging magpakilala, nangyari ang pagsunog matapos ang flag ceremony noong umaga ng Biyernes.

Ayon sa kaniya, Tatsumaki Day o araw ng pagtuturo ng Grade 11 sa ibang mag-aaral noon kaya raw naatasan ang mga estudyante na magsuot ng formal attire.

Pero dahil may mga hindi sumunod, nagalit umano ang kanilang school administrator.

Napagbuntunan umano ng galit ang mga bag at gamit kaya ipinasunog.

"May mga estudyanteng hindi naka-tuck in tapos naka-maong pants saka rubber shoes," sabi ng estudyante.

Tumanggi namang magpaunlak ng panayam ang mga apektadong estudyante at kanilang mga magulang. 

Hindi pa rin nagbibigay ng pahayag ang may-ari ng eskuwelahan.

-- Ulat ni Rizza Mostar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.