Granada, bala, nasamsam sa shop ng municipal accountant sa Palawan

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2018 05:02 PM | Updated as of Aug 19 2018 05:14 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Arestado ang municipal accountant ng bayan ng Rizal, Palawan sa isinagawang operasyon sa bahay nito sa Barangay Sta. Monica sa lungsod na ito Sabado.

Kinilala ang suspek na si Hilarion Torres Jr.

Ayon sa awtoridad, nakatanggap sila ng impormasyon na may mga baril sa kaniyang tahanan si Torres.

Sa bisa ng search warrant, hinalughog ng awtoridad ang bahay ni Torres.

Bigo ang awtoridad na makita ang mga umano'y baril ni Torres sa kaniyang bahay.

Sunod nilang pinuntahan ang auto shop na pagmamay-ari ni Torres. Dito nakita nila ang isang hand grenade na walang serial number, isang live ammunition ng 12 gauge shotgun, anim na pirasong aluminum foil strips, apat na improvised aluminum tooter, at pitong improvised aluminum needle.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang pamilya ni Torres, na haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Illegal Possession of Firearms and Explosives.

Iimbestigahan rin si Torres kaugnay ng drug paraphernalia na nakuha sa kaniya.

-- Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.