Failon Ngayon: Evacuation Centers

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2018 04:54 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ang taas ng baha sa Pilipinas nitong nakaraang Habagat ay tila mailalarawan sa isang kanta... May nasa paa, tuhod, balikat at ulo... Pero may iba rin na talaga namang lagpas tao at bubong pa ang pagragasa ng tubig-baha.

Isa nga sa nalubog na lugar sa kamaynilaan noong nakaraang Linggo ay ang Baseco sa Tondo. Ang eksenang ito hindi na nga raw bago para sa pamilya ni Nanay Zenaida Salentes.

Ayon kay Nanay Zenaida, kapag may bagyo, tumataas ang tubig sa kanilang lugar hanggang tuhod. Dahil sa pagtaas tubig ay may pumapasok din na mga basura sa kanilang bahay. Natatakot at natatarata din daw si Nanay Zenaida kapag tumataas ang tubig dahil hindi niya alam kung alin ang uunahin. At sa pagtaas ng tubig, pinupuntahan sila ng mga opisyales ng barangay para ilikas at dalhin sa evacuation center. Pero minsan ayaw nilang lumikas dahil naiisip nila ang kanilang mga kagamitan na baka manakaw. Binabalaan naman sila ng mga umiikot na opisyales ng barangay na kailangan nilang lumikas.

Ayon sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC nitong nagdaang habagat, mahigit isang daang libong pamilya o mahigit anim na raang libong indibidwal ang naitalang apektado ng ulan na dala ng habagat sa apat na raan at animnapu’t siyam na mga barangay sa Region I, III, Calabarzon, Cordilleras, at NCR!

Sa ganitong mga panahon, ang mga lokal na pamahalaan ang nakatoka para ilayo sa disgrasya ang mamamayan at bigyan ng ayuda ang mga nasalanta. Kaya ayon kay Director Edgar Allan Tabell, Chief, Central Office Disaster Information Coordinating Center ng DILG, ayon sa Republic Act 10121 dapat meron ang mga LGU na Local Disasters Production Management Council habang sa mga barangay naman ay Barangay Disasters Production and Management Committee. At kapag nakikita na ng LGU na mayroong onset na disaster na pwedeng mangyari tulad ng bagyo, sobrang lakas ng ulan na nagdudulot na ng baha at landslide ay nagkakasa na sila ng preemptive evacuation. Kaya bago pa mangyari ang mga disaster ay nananawagan na ang local officials ng maagang pag-evacuate. Pero ang tanong, paano kugn may mga residente talaga na nagmamatigas at ayaw talagang lumikas kahit na may forced evacuation na?

May mga kababayan nga daw talaga tayo na matigas ang ulo at ayaw agad lumikas. Kaya naman ang mga barangay at local disaster offices todo ang paghihikayat sa ating mga kababayan na lumikas lalo na kung talagang mapanganib na.Pero kapag may matinding kalamidad talaga, maaaring magpatupad ng Mandatory o Forced Evacuation ang pamahalaan. Sa forced evacuation na ito kailangang sumunod sa pananawagan ng awtoridad ang mga residente. Pero kung ang mga residente ay nagmamatigas at ayaw talagang lumikas, kailangan daw pumirma ng waiver ang residente na nagsasabing sila ay hindi liable ng mga government offcials kung ano man ang mangyari sa kanila sa oras ng kalamidad, paglilinaw ni Director Tabell.

Hindi naman daw kailangan mangamba ang mga lilikas dahil sa evacuation centers, dapat ay suportado ang lahat ng pangangailan ng mga residente. Naging usap-usapan nga sa social media ang kaibahan ng ilang LGU sa pagtatayo ng evacuation centers. Pinuri ang lungsod ng Marikina ng ilang netizens dahil sa paggamit nila ng mga modular tents. Sa lungsod ng Makati naman makikitang naka-standby ang lahat ng pwersa ng city hall kahit ang veterinary office para sa mga nabahang hayop!

Pero may ilang bayan na halo-halo pa rin ang mga tao sa espasyo tulad ng sa Baseco, Manila at Dampalit Malabon. May ilang mga evacuees na mas pinili pang manatili sa bahay dahil nga daw mas hindi daw sila mapalagay sa evacuation centers dahil sa sobrang sikip at hindi kaaya-ayang paligid.

Sagot naman ni Director Felix Abad ng Manila Disaster Risk Reduction And Management Office o MDRRMO kung bakit wala silang pa silang mga gamit tulad ng sa Marikina at Makati, mayroon na raw silang procurement na mga bagong modular tent na lalabas bago matapos ang taon.

Sa kabilang banda, may batas din na sumasakop sa paggamit ng mga eskwelahan bilang evacuation centers. Ayon kay USEC Annalyn Sevilla ng Perfromace Monitoring ng DEPED, sinasabi sa mga LGU na dapat naka-identify na sila ng mga lugar kung saan pwedeng gamitin bilang evacuation centers. Last resort na ang mga paaralan kung talagang wala nang makitang pwedeng gawing evacution centers. Ayon sa batas taltong araw lamang ang temporary evacuation sa mga paaralan depende sa magiging sitwasyon.

Kaya naman giit ng DILG, sana ay magkaroon talaga ng permanent evacuation centers ang bawat bayan sa bansa. Ayon pa kay Director Tabell may iilang attempts na rin na magpasa ng batas para magtayo ng permanent evacuation. Dagdag namang ni
Mr. Butch Meily, Presidente ng Philipine Disaster Resilience Foundation, pabor sila sa pagkakaroon ng permanent evacuation centers sa bawat barangay para sa mas maayos na pananatili dito ng mga evacuees.

_____

Abangan ang mga isyung lahat tayo may pakialam sa FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng I Can See Your Voice
11:00 ng gabi sa ABS-CBN!

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas 2:00 ng hapon.

Mag-kumento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook pages, http://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.
 
I-follow din ang Failon Ngayon sa aming official Twitter account sa http://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at iwant tv! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang www.iwanttv.com