1 patay sa salpukan ng van at truck sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2018 12:27 PM | Updated as of Aug 19 2018 03:08 PM

Napatay nitong madaling araw ng Linggo ang isang dayuhang nagmamaneho ng van matapos salpukin ng isang dump truck sa kahabaan ng national highway sa may Barangay Aga, Nasugbu, Batangas.

Kinilala ang nasawi bilang si Herald Charles Nordberg Germund, isang Norwegian national.

Sugatan naman sa insidente ang pasahero ng van na si Norma Acabal, ang driver ng truck na si Mark Vergel Paguio, at ang pahinante ng truck.

"Sa lakas ng impact, halos 'yong van ay nahati, ano, pati 'yong driver," sabi ni Alex Pimentel, municipal disaster officer ng Nasugbu.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, patungo sanang Maynila ang van habang magde-deliver sana ng buhangin ang truck sa Calaca, Batangas nang mangyari ang insidente.

Nabatid din sa imbestigasyon na nakainom si Paguio, na dumepensa at sinabing nawalan lang ng preno ang truck.

-- Ulat nina Kevin Dinglasan at Fay Virrey, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.