Sea wall at dike sa Ilocos Norte, sinira ng malakas na alon

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2018 09:42 PM | Updated as of Aug 14 2018 09:52 PM

Sinira ng malakas na alon dala ng habagat ang isang bahagi ng sea wall sa Barangay Caroan, Pasuquin, Ilocos Norte Martes ng umaga.

Agad na nilagyan ng sand bags at malalaking bato ng mga residente ang nasirang bahagi ng pader.

Pinalikas na rin ng lokal na pamahalan ang nasa 40 pamilyang nakatira malapit sa nasirang pader.

Samantala, isang dike naman sa bayan ng Vintar ang nasira rin dahil sa malakas na agos ng tubig.

May ilang barangay naman sa bayan ng San Nicolas ang nalubog sa baha dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan at baradong mga kanal.

Sa Laoag City, umapaw ang isang ilog sa Barangay Caaoacan at umabot ang tubig sa ilang mga bahay.

Sa kabila ng banta ng pagbaha, landslide at malalaking alon sa lalawigan ng Ilocos Norte, wala pa namang naitatalang nasaktan.

Patuloy namang pinapaalalahan ng lokal na pamahalaan ang mga residente sa mga bahaing lugar na maging handa sa anumang sakuna.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.