Teenager inireklamo ng panghahalay ang kapatid ng nobyo

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2017 10:38 AM

MANILA - Dumulog sa mga awtoridad Linggo ang isang teenager na hinalay umano ng kapatid ng kanyang nobyo sa San Antonio, Parañaque.

Kuwento ni "Jane," 16-anyos na kolehiyala, natutulog na siya sa bahay ng nobyo nang mangyari ang krimen, Sabado ng gabi.

Magkatabi aniya siya at kanyang kasintahan sa itaas ng double deck na kama habang nasa baba naman ang 24-anyos na suspek. Bumaba aniya ang kanyang nobyo sa basement para mag-charge ng cellphone, pero nakatulog ito doon at hindi na nakabalik sa kuwarto.

Dito na umano hinalay ng suspek ang biktimang naka-damit panloob at cycling shorts.

Itinanggi naman ng warehouse man na suspek ang paratang at sinabing bukal sa loob ng biktima ang nangyari.

Aniya, "May nangyari po sa amin. Pero di ko matatawag na rape."

Hindi naman ito ang unang beses na inireklamo ng panghahalay ang suspek, ayon kay San Antonio barangay chairman JR Sanchez. Hinalay rin umano nito ang nakaraang nobya ng kanyang kapatid at kinasuhan na rin dahil sa pagpapakalat ng sex video.

Desidido ang biktima na magsampa ng reklamo laban sa suspek. Tumanggi namang magbigay ng panayam ang kapatid ng suspek. -- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

EDITOR'S NOTE: Hindi pinangalanan ng ABS-CBN News ang biktima at suspek dahil menor de edad pa ang dalagita.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.