Publiko, pinag-iingat sa paglapit, paghawak sa mga 'dayong' ibon

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2017 03:11 PM | Updated as of Aug 13 2017 06:24 PM

Pinangangambahan kasing nagmula sa migratory birds ang kasalukuyang bird flu outbreak sa Pampanga.

Pinaiiwas ng Department of Environment and Natural Resources - Biodiversity Management Bureau (DENR-BMB) ang publiko sa paglapit o pagkakaroon ng 'contact' sa migratory birds, o mga ibong dumarayo sa bansa mula sa iba't ibang panig ng mundo.

Paalala ni DENR-BMB Director Mundita Lim, lalong hindi dapat katayin ang migratory birds dahil sa bantang mas kumalat ang bird flu mula sa 'human contact'.

Ayon kay Lim, inaasahang magsisimula sa Setyembre ang pagdating ng migratory birds sa Pilipinas at aalis sa Marso ng 2018.

Sa panahong nasa bansa ang mga dayong ibon, hihimpil ito sa iba't ibang anyong-tubig para kumuha ng makakain at makapagpahinga.

Payo ni Lim, makatutulong ang publiko na mapigilang lumaganap sa ibang lugar ang outbreak kung ire-report agad sa regional office ng Department of Agriculture (DA) kapag may makitang patay, nanghihina, o maaaring may sakit na migratory bird.

Sa ngayon, nasa 200,000 manok ang ipakakatay ng DA para mapigilan ang lalong pagkalat ng virus.

Ayon kay Lim, inirerekomenda niya ang pagbuo ng komiteng kabibilangan ng DA at Department of Health para tutukan ang bird flu outbreak at maiwasang mahawa rin ang mga tao sa virus.

Magpapadala na rin ang Bureau of Animal Industry sa Australian Animal Health Laboratory ng samples ng manok na tinamaan ng bird flu sa Pampanga para masuri.

Samantala, pumalag ang isang dating alkalde ng Pampanga sa deklarasyon ng Department of Agriculture (DA) na mayroong bird flu outbreak sa bayan ng San Luis.

Sa panayam ng DZMM, iginiit ni dating Candaba mayor Jerry Pelayo na dapat hinintay muna ng DA ang resulta ng mga isinagawang pagsusuri ng Australia bago nila inanunsyong apektado ng bird flu outbreak ang naturang lugar.

Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na mahigpit ngayong binabantayan ng mga ahensiya ng gobyerno na walang mananamantala sa outbreak para pataasin ang presyo ng manok sa merkado.

Tiniyak din ni Abella sa publiko na hindi magkakaroon ng pagsipa sa presyo ng manok at walang makapapasok na kontaminadong chicken meat sa mga pamilihan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.