Mga nagkakampong Lumad sa UP Diliman, nangangambang mapauwi sa Mindanao

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2017 09:45 PM

Nagpahayag ng pangamba ang mga nagkakampong Lumad sa University of the Philippines-Diliman na puwersahan silang paaalisin ng militar at pauuwiin sa Mindanao.

Sa UP Diliman na muna kasi pinili ng mga Lumad na manatili at ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral. 

Nauna nang nagbanta ang Pangulong Rodrigo Duterte, matapos ang kanyang ikalawang State of the Nation Address, na ipabobomba niya sa militar ang mga paaralan ng mga Lumad sa Mindanao dahil pinapasok na ang mga ito ng komunistang kalaban ng pamahalaan.

Pahayag ng pangulo, nagpapagamit ang mga Lumad sa mga komunista na kalaban ng pamahalaan. 

Ayon sa isang estudyanteng Lumad na si Gleeza Joy Belandres, "Ang gusto lang naman namin ay matuto at magkamit ng edukasyon. Huwag nila kaming paalisin dito." 

Kung tutuusin, ayon sa mga Lumad, mas gusto nilang umuwi sa Mindanao kaysa manatili sa UP Diliman. Pero hindi pa umano sa ngayon dahil mas nakikita nilang ligtas sila rito kaysa sa dati nilang komunidad na madalas paligiran ng militar.

Kaya nagpaskil ng karatula ang mga Lumad na hindi maaaring pumasok sa kanilang kampuhan sa UP Diliman ang mga militar at pulis.

Hiningan naman ng panig ng news team ang tagapagsalita ng militar pero hindi ito nagbigay ng komento dahil wala sila umanong poder sa mga Lumad. 

-- Ulat ni Abner Mercado ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.