83-anyos na lolo, babae nakuhanan ng mga bala sa NAIA

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2017 04:23 PM

MANILA - Nakumpiska ng mga awtoridad ang ilang bala ng baril mula sa isang 83-anyos na lolo at isang babae sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Linggo. 

Unang nakuhanan ng bala sa bulsa ang senior citizen na si Bencaben Tomacas nang dumaan sa x-ray machine ng NAIA. Pasahero siya ng Cebu Pacific at biyaheng Cagayan de Oro.

 Maghahatid naman ng pasahero si Jenevie Eroy Ango nang ma-detect ang bala sa kanyang wallet sa Gate 6 ng departure security checkpoint. 

Paliwanag nina Tomacas at Angot, dinala nila bilang anting-anting ang mga bala. Wala rin anila silang masamang intensyon. 

Hindi na inaresto ang 2, pero dumaan sila sa mabusising dokumentasyon bago pakawalan.

Sa ilalim ng bagong patakaran ng NAIA, hinahayaan ang mga pasahero na makasakay sa kanilang flight kung mahuhulian ng 1 o 2 bala matapos maitala ang insidente. 

Ito ay upang maiwasan ang pangingikil sa ilalim ng "laglag-bala" scam kung saan tinataniman umano ng bala ng ilang tiwaling kawani ang mga pasahero. 

Nito lang Sabado, nakumpiska rin ang 2 bala ng kalibre .45 na baril sa isang babaeng pasahero sa terminal 4 ng paliparan. 

Papunta ng Tagbilaran ang pasaherong si Rhodora Vargas nang ma-detect sa screening checkpoint ang mga bala sa kanyang sling bag.

Ipinaalala naman ng Manila International Airport Authority na huwag magdala ng bala ng baril sa paliparan para maiwasan ang abala. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.