Lolo, naipit sa bahagi ng service elevator, patay

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2017 08:18 PM

Patay ang isang senior citizen na electrician matapos maipit sa bahagi ng service elevator ng isang condominim sa Parañaque City nitong Sabado.

Kinilala ang biktima na si Henry Villafranca. Nagkataong ginagawa niya ang service elevator nang mangyari ang aksidente.

Ayon sa bayaw ng biktima na si Arturo Abriza, nasa ibabaw ng elevator si Villafranca nang mahulog siya sa gilid nito at nauna ang ulo.

“Iyong elevator biglang umandar kaya siguro na-out of balance siya,” kuwento ni Abriza.

Inabot ng anim na oras ang pagtanggal sa biktima pero patay na rin nang makuha dahil sa tinamong mga injury at bali-baling tadyang.

Hiniwa pa ng Parañaque Rescue Team ang gilid na bahagi ng service elevator gamit ang metal cutter at tumambad sa kanila ang lalaking nakatiwarik at walang malay nang tuluyan itong mabuksan.

Umaapela naman ng tulong mula sa condominium ang pamilya ni Villafranca.

Breadwinner ng pamilya si Villafranca. Hihinto na rin sana siya sa pagtatrabaho sa Setyembre, ang kanyang kaarawan.

Tumanggi munang humarap sa media ang administration office ng condominium pero, ayon sa kanilang security office, patuloy ang koordinasyon sa pamilya ng biktima.

Nakatakdang iburol bukas ang mga labi ni Villafranca sa kanilang tahanan sa Dasmariñas, Cavite.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.