Bungo natagpuan sa bangin sa Tacloban

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2017 05:08 AM

TACLOBAN CITY – Natagpuan nitong Sabado ang isang bungo malapit kung saan nadiskubre noong Huwebes ang bangkay na walang ulo sa bangin sa Barangay Salvacion, sa lungsod na ito.

Ayon kay barangay chairwoman Teresita Quero, tatlong tanod ang nakakita ng bungo malapit sa lugar kung saan unang nakita ang naaagnas na bangkay.

Agad namang rumesponde ang Tacloban City Police office Station 2 at kinumpirma na bungo ito ng tao.

Ayon sa pulisya, ang bungo ay may balot ng packaging tape. Nauna nang napag-alaman na nakatali ng packaging tape ang mga paa ng bangkay na nadiskubre.

Nakuha naman malapit sa bungo ang isang itim na backpack na may lamang mga damit at pantalon kasama ang ilang maliliit na bote at mayroon ding nakuhang papel ng express padala.

Tulad ng ginawa sa naaagnas na bangkay, kukuha rin ng bone sample ang Scene of the Crime Operatives para isailalim sa DNA test.

Sa pamamagitan nito, malalaman kung ang bangkay na unang natagpuan at ang bungo ay iisang tao lamang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.