Sekyu, kalaboso nang magpaputok ng baril sa Davao

Che Che Diabordo, ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2018 02:33 PM

DAVAO CITY - Hinuli ang isang security guard matapos ireklamo ng mga kapitbahay na nagpaputok at palakad-lakad na may bitbit na baril dito sa lungsod, Sabado.

Inaresto ng mga pulis ang 32-anyos na security guard na si alias "Jake" na tinangka rin umanong barilin ang isang aso sa kanilang komunidad.

Inawat si Jake ng kaniyang mga kapitbahay at sinamahan pauwi ngunit kinalaunan ay nagpaputok ito ng baril.

Hinamon ni Jake ang ibang residente kaya't napagtulungan ng mga tambay na bugbugin ito.

"Nakuha sa kaniya ang isang Armscor 9mm at isang magazine na loaded ng 6 na bala," ayon kay Chief Inspector Ronald Lao ng Davao Police.

Walang naipakitang papeles ang suspek upang patunayan na rehistrado at sa kaniya nakapangalan ang nasabing baril.

Nahaharap sa kasong RA 10591 o Illegal Possession of Firearms and Ammunition si alias Jake. Pormal siyang kakasuhan sa Lunes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.