P300,000 halaga ng droga nasabat sa Iloilo City

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2018 01:42 AM

Nasabat sa suspek ang 2 maliit na pakete at 1 malaking pakete ng hinihinalang shabu na may halagang P300,000. ABS-CBN News

ILOILO CITY - Mahigit P300,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam mula sa isang lalaki sa Barangay Burgos dito nitong Biyernes ng gabi.

Unang nabilhan ng dalawang maliit na pakete ng shabu ang suspek sa halagang P2,000. 

Pero nang arestuhin na siya ng mga pulis, narekober pa sa kaniya ang isang malaking pakete ng shabu na tinatayang nasa 40 hanggang 50 gramo na may halagang P300,000.

Kinumpirma ni Senior Insp. Kenneth Bermejo na dating nakulong din ang suspek sa kasong illegal drugs. Matagal na umanong minamanmanan ng mga pulis ang ilegal na gawain ng suspek hanggang sa naikasa ang operasyon.

Inamin naman ng suspek ang pagbebenta ng ilegal na droga na ayon sa kaniya ay galing pa ng Metro Manila.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong pagbebenta at pag-iingat ng ilegal na droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.