Mga droga, nasamsam sa high-end bar sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2018 10:35 AM | Updated as of Aug 12 2018 03:48 AM

MAYNILA – Samu’t saring ipinagbabawal na droga ang nasamsam ng awtoridad sa ikinasang buy-bust operation sa isang high-end bar sa Makati Avenue, Barangay Poblacion sa lungsod ng Makati.

Kabilang sa mga nakumpiska ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit ng Makati City Police ang ilang piraso ng plastic sachet ng hinihinalang cocaine, shabu, ecstasy capsules, hashish o high grade na pinatuyong dahon ng marijuana at drug paraphernalia.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa paunang ulat, mahigit 100 lokal at foreign customers ng bar ang pinasakay sa pitong jeep at police mobile para sa beripikasyon at questioning sa police station. Hindi naman sila itinuturing na mga suspek.

Ayon sa mga operatiba, hindi lamang mga mamahaling alak ang ibinebenta sa lugar kundi talamak din ito sa bentahan at paggamit ng ilegal na droga.

Patuloy din ang paghalughog ng pulisya sa tatlong palapag na establisyemento. – Ulat nina Jekki Pascual at Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.