Lasing na pulis na nagpaputok ng baril at nakasagi ng ibang sasakyan, inaresto

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2018 05:41 AM

MAYNILA - Inaresto ng Kamuning Police Station ang isang pulis matapos umano itong magpaputok ng baril at makasagi ng ibang sasakyan sa Boy Scout Circle, Timog Ave. corner Tomas Morato Ave., Quezon City nitong Biyernes ng gabi.

Nakadestino ang pulis sa Pasig City na may ranggong Senior Inspector.

Ayon kay Supt. Louise Benjie Tremor, hepe ng Kamuning Police Station, may nagsumbong sa kanila tungkol sa ginawa ng suspek. 

Agad nila itong nirespondehan hanggang sa makita ang sasakyan ng pulis sa Kamuning Road.

Lasing at nagwawala umano ang pulis nang datnan ito at hindi pa makausap ng matino.

May nakita ring basyo ng bala sa sasakyan ng pulis at inaalam pa kung service firearm ang kaniyang ginamit. - Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.