Lalaki patay, misis arestado sa droga sa Davao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2018 04:15 PM

PADADA, Davao Del Sur — Patay ang isang lalaki habang arestado naman ang misis nito sa drug operation na ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Sabado. 

Ihahain sana ng PDEA ang search warrant laban kay Jennel Tabas at kaniyang asawang si alyas "Rose" bandang ala-1 ng madaling araw nitong Sabado.

Pero sa di inaasahang pagkakataon, bigla umanong bumunot ng baril si Tabas at pinaputukan ang mga taga-PDEA kaya napilitan silang gumanti.

Nabaril ang suspek at isinugod pa sa Davao Sur Provincial Hospital pero idineklara na itong dead on arrival.

"Iyong asawa hinuli natin dahil nakakuha tayo ng assorted sachets na may lamang hinihilang shabu, at assorted shabu paraphernalia," ayon kay PDEA-Davao Director Antonio Rivera.

Nasa 35 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng PDEA na nagkakahalaga ng P525,000.

Nakatakdang kasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Rose.

—Ulat ni Che Che Diabordo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.