Baha, zero visibility dala ng walang-humpay na pag-ulan sa Kamaynilaan

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2018 03:34 PM | Updated as of Aug 11 2018 08:48 PM

Binaha ang iba't ibang parte ng Kamaynilaan matapos ang walang humpay na pag-ulan simula pasado hatinggabi ng Sabado.

Sa Manila Bay, inanod pa sa pampang ang sandamakmak na basura bunsod ng malakas na hampas ng mga alon. 

Zero visibility rin at unti-unti nang umaakyat ang baha sa ilang bahagi ng Quezon City.

Sa Araneta Avenue, umabot na sa lagpas tuhod ang baha.

Halos zero visibility na rin sa Commonwealth Avenue papuntang Quezon Memorial Circle dahil sa malakas na buhos ng ulan.

Lagpas na rin sa gutter ang baha sa Visayas Avenue.

Na-stranded pa ang ilang commuters sa Quezon City, habang ang iba naman ay sinuong na lang ang malakas na ulan.

Sa Marikina City, itinaas na sa ikatlong alarma ang antas ng tubig sa Marikina River dahil umabot na sa lagpas 18 metro ang taas nito. 

Sa kuha ng isang Bayan Patroller, isang nakaparadang kotse sa gilid ng Marikina River ang lumubog pasado alas-2 ng hapon. 

Wala naman daw tao sa loob ng sasakyan, ayon sa mga awtoridad.

Sa isa pang video na ipinadala ng Bayan Patroller, kitang abot-leeg na ang baha at lubog na rin ang basketball court sa Kaingin Bukid, Bgy. Apolonio Samson, Quezon City ngayong hapon.

Isa ring Bayan Patroller ang nagpadala ng video upang ipakita ang sitwasyon nila sa Antoinette Street, Parkway Village sa Apolonio Samson, Quezon City.

Tumirik naman ang isang sasakyan sa gitna ng NS Amoranto Sr. street sa Quezon City at hindi na nakatawid pa dahil sa taas ng baha sa lugar.

Lubog na rin sa baha ang Sto. Domingo street sa Bgy. Sto. Domingo, Quezon City kaya't ang iba'y nagbabangka na.

Ang NLEX Southbound palabas ng Balintawak Exit, nakararanas na rin ng napakabigat na daloy ng trapiko na umaabot na sa bahagi ng Valenzuela.

Ayon sa huling advisory ng PAGASA, Red Warning Level na sa Metro Manila at Rizal dahil sa ulang dala ng southwest monsoon na pinalakas pa ng bagyong "Karding."

Samantala, sinabi ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na nakahanda sila sa maaaring maging epekto ng labis na bagsak ng ulan sa suplay ng kuryente sa bansa. 

Siniguro umano nilang maayos ang kanilang mga equipment at kagamitan sakaling magkaroon ng sira ang anumang pasilidad ng kuryente. 

Sa ngayon, wala pang naitatalak isyu ng pagkawala ng kuryente dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.