2 lasing na nag-umpisa ng away, sinilaban

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2018 08:07 AM

MACONACON, Isabela - Nagpapagaling ngayon sa ospital ang dalawang lalaki matapos na silaban ng isang residente sa bayan ng Maconacon noong Huwebes.

Kinilala ang mga ito na sina Fernando Sesuca at Acorda Cortez, kapwa trabahador at katutubong Dumagat.

Ayon sa imbestigasyon, lasing umano ang dalawa at nagsimulang mag-away sa Barangay Malasin.

Dahil sa pangamba, humingi ng tulong sa isang nakatatandang residente ang mga tao roon para awatin ang dalawa. 

Nang balewalain umano ng dalawa ang pakiusap ng matanda, hindi na nakapagtimpi ito kaya naghagis na lang ng bote na may lamang gasolina kina Sesuca at Cortez saka sila sinilaban.

Nagtamo ng first-degree burn ang dalawang lasing sa katawan habang sumuko naman ang matanda sa awtoridad at posibleng maharap sa kasong attempted homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.