Honasan, nagpiyansa kaugnay ng kasong graft

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2017 01:05 PM | Updated as of Aug 11 2017 10:35 PM

Nagpiyansa si Senador Gringo Honasan ngayong Biyernes sa isang korte sa Biñan, Laguna matapos siyang makasuhan ng graft kaugnay ng umano'y iregularidad sa kanyang paggamit ng kanyang pork barrel funds.

Nauna nang sumuko si Honasan sa Biñan City police sa Laguna matapos magpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan kaugnay ng nasabing kinahaharap niyang kaso. 

Matapos iproseso at kunan ng mugshot, blood pressure, at fingerprints, dumiretso ang senador kasama ang abogadong si Dennis Manalo sa tanggapan ni Biñan Regional Trial Court Branch 25 Executive Judge Teodoro Solis para maglagak ng kanyang piyansang P60,000 para sa dalawang bilang ng kasong graft. 

Matapos nito, nilagdaan ng huwes ang release order ng senador kaya nakabalik na rin ito sa Maynila. 

Ayon kay Atty. Manalo, pinili nilang sa Biñan City Police sumuko at magbayad ng piyansa sa Biñan RTC dahil nasa labas ito ng Metro Manila.

Aniya, kapag sa Sandiganbayan sumuko ang kanyang kliyente, baka matagalan pa ang pagproseso dahil inaasahang maraming media ang mag-aabang. Kung sa ibang korte naman sa Metro Manila, baka hindi i-honor ng Sandiganbayan ang pagpiyansa nito. 

Nag-ugat ang kaso noong 2012 nang hindi umano dumaan sa tamang procurement process ang pagpili ng senador sa Focus Development Goals Foundation Inc. bilang partner non-government organization sa pagpapalabas ng P29 milyon na Priority Development Assistance Fund (PDAF) para sa livelihood project ng Muslim community sa Metro Manila at Zambales. 

Dahil dito, nakakita ang 2nd Division ng Sandiganbayan ng probable cause para isulong ang dalawang bilang ng kasong graft laban sa senador. 

Nanindigan si Honasan na siya ay inosente sa mga kasong isinampa laban sa kanya. 

"I am completely innocent of the charges against me. All my life I have fought everything I am accused of, and I will continue to do so," ayon sa kanyang tweet noong Huwebes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.