4Ps, nais pag-aralan ng ilang mambabatas

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2017 09:09 PM

'Dole-out' o pamimigay ang tingin ng ilang mambabatas sa 'Pantawid Pamilyang Pilipino Program' o 4Ps kaya nais nilang pag-aralan ang implementasyon nito. 
    
Inihain ng dating chairman ng House committee on poverty alleviation na si Emmi De Jesus ang House Resolution 464 na layong muling pag-aralan ang implementasyon ng 4Ps.

“Makakatawid lang siya ng gutom. Tanungin mo ang lahat ng beneficiary niyan. For sure ang sasabihin niyan, ang gusto nila lahat trabaho,” ani De Jesus.

Para kay De Jesus, mas makakabuti kung itutuon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang pondo sa ibang bagay na mas higit na makatutulong sa mahihirap.

“Dagdagan ng maraming pondo ‘yung mga social services o kaya pabahay para doon sa mga mahihirap,” ayon kay De Jesus.

Ayon naman sa DSWD, pansamantala munang itinigil ang pagtanggap ng mga nais makasama sa programa. 

''May instruction si Secretary (Judy Taguiwalo) to actually hold muna ‘yung mga additional registration, additional take-in ng mga beneficiaries namin kasi magkakaroon pa kami ng mga assessment,” ani Ronald Castro, deputy program director ng 4Ps.

Dagdag ni Castro, marami ring pamilya ang bumuti ang kalagayan dahil sa programa mula nang maipatupad ang conditional cash transfer noong 2008. 

Ayon sa DSWD, ngayon pa lang magkakaroon ng kumustahan sa mga benepisyaryo nito sa iba-ibang bahagi ng bansa para malaman kung talagang umangat ang estado ng pamumuhay ng mga pamilya. 

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.