Provincial bus ban sa EDSA muling ipagpapaliban

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2018 03:07 PM

Muling ipagpapaliban ang nakatakda sanang pagpapatupad ng provincial bus ban sa EDSA, ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, hindi muna matutuloy sa Agosto 15 ang naturang panukala dahil hindi pa naisasaayos ang Valenzuela interim terminal.

Sa inspeksiyon na isinagawa ng MMDA at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Huwebes, nakitang may kakulangan sa seguridad at maayos na palikuran ang ginagawang terminal.

Nauna nang umangal ang mga residente at lokal na pamahalaan ng Valenzuela dahil baka raw sila naman ang masapul ng trapik kapag ipinatupad ang naturang ban sa EDSA.

Ito na ang ikalawang pag-urong ng MMDA sa panukalang provincial bus ban na dapat sana'y noong Agosto 1 pa. 

Sa ngayon, pinapayagan na munang umabot ng Cubao ang mga bus galing Northern Luzon. Samantalang hanggang Buendia naman muna ang mga bus galing Southern Luzon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.