Higit 600 ektarya ng palayan sa Negros Occidental, inatake ng daga

Yasmin Dormido, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2018 05:21 PM

BACOLOD CITY—Mahigit sa 600 ektarya ng palayan sa dalawang bayan at dalawang lungsod sa Negros Occidental ang napinsala dahil sa mga daga.

Sa report ng Office of the Provincial Agriculturist, ang lungsod ng Bago ang may naitalang pinakamalawak na palayan na inatake ng daga na umabot sa 400 na ektarya.

May pinsala rin ang mga palayan sa Valladolid, San Enrique at Cadiz City.

Hindi bababa sa 20 barangay at 68 na mga magsasaka ang napeste.
 
Ayon sa provincial agriculturist, si Atty. Japhet Masculino, Hunyo pa nagsimula ang pag-atake ng mga daga sa mga taniman.

Dagdag ni Masculino, marahil epekto ito ng pagpalit ng klima mula sa tag-init patungong tag-ulan. Wala pa rin silang opisyal na ulat hinggil sa kabuuang halaga ng danyos dahil kasalukuyang kinokolekta pa ang datus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.