Moratorium vs taas-presyo ng ilang bilihin, hiniling ng consumer group

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2018 08:11 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hinimok ng grupong Laban Konsyumer ang Department of Trade and Industry (DTI) na magpataw ng moratorium o pagbabawal sa taas-presyo ng ilang pangunahing bilihin.

Ayon kay Laban Konsyumer president Vic Dimagiba, hindi muna dapat aprubahan ng DTI ang ano mang hirit na dagdag-presyo sa mga bilihin dahil bugbog na ang mga konsumer sa taas presyo.

"Mula ngayon hanggang first quarter ng 2019, mag-declare ng moratorium sa pagpo-process ng pagtaas ng presyo ng SRP (suggested retail price)," ani Dimagiba.

May nakabinbing hiling na dagdag-presyo sa DTI ang mga manufacturer ng de-latang karne at sardinas, na ayon sa ahensiya ay pag-aaralan muna nila.

Muli namang sumipa noong Hulyo ang inflation, o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa, na pumalo sa 5.7 porsiyento, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

 SRP, WALANG SILBI

Ayon pa kay Dimagiba, tila walang silbi ang pagpataw ng DTI ng "expanded SRP" o SRP sa mas maraming produkto.

Base kasi sa pag-iikot nila sa ilang gorcery, napansin nilang lagpas sa SRP ang presyo ng ilang produktong sardinas.

"Useless 'yong expanded SRP kung ang presyo naman sa supermarket, grocery, lalo na po 'yong sardinas, ay mataas," ani Dimagiba.

Mainam ding dagdagan ng DTI ang mga tauhan nilang nagbabantay ng presyo at ilathala sa mga tabloid ang listahan ng expanded SRP, ayon kay Dimagiba.

MAY PAGPIPILIAN NAMAN

Pero ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, wala silang balak na pigilan ang mga dagdag-presyo kung iilang brand lang naman ito.

Sa dami raw kasi ng brands, may mapagpipilian naman umano ang mga konsumer.

Hanggang tatlong brands lang naman daw sa higit 30 brands ng de-lata ang humirit ng panibagong dagdag-presyo, ani Lopez.

Sa pag-iikot naman ni Lopez sa mga grocery sa mga mall, nakita niyang pasok sa SRP ang mga produkto mula tinapay hanggang de lata.

"Many of those are selling below SRP pa," ani Lopez.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.