ALAMIN: Kailan ipatutupad ang HOV scheme, provincial bus ban sa EDSA

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2018 09:40 PM | Updated as of Aug 08 2018 10:27 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Susubukang pagsabayin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Agosto 15 ang dry run ng high occupancy vehicle (HOV) scheme at pagpapatupad ng provincial bus ban tuwing rush hour sa EDSA, sabi nitong Miyerkoles ng kanilang general manager na si Jojo Garcia.

Ayon kay Garcia, ipagsasabay ang dalawa para masubukan kung mapaluluwag ng mga ito ang daloy ng trapiko sa naturang pangunahing kalsada.

"Ang hinihingi po namin EDSA lang, isa lang pong kalsada 'yan, at hindi rin po 24 hours, 'no? Three hours lang sa morning, three hours sa afternoon," ani Garcia.

Sa ilalim ng ipinapanukalang HOV scheme, ipagbabawal sa EDSA tuwing rush hour ang mga kotseng walang sakay maliban sa drayber.

Naurong naman sa Agosto 15 mula Agosto 1 ang pagbabawal sa mga provincial bus sa EDSA tuwing rush hour.

Nakiusap din si Garcia na huwag agad silang batikusin dahil pinagagaang lang nila ang biyahe ng mga motorista.

"Ang malaking picture nito, tayong lahat din ang makikinabang eh," aniya.

Bagaman may mga alternatibong ruta para sa mga kotseng isa lang ang sakay, nakikita ng MMDA na tutukod din ang trapiko sa mga loobang kalsada kaya mas iminumungkahi nila ang carpooling o ride-sharing.

No contact apprehension ang magiging paraan ng paghuli. Ibig sabihin, pagaganahin ang mga surveillance camera para makahuli ng mga lalabag na motorista.

Tiniyak din ni Garcia na hindi makalulusot ang mga tinted na sasakyan.

Katuwang ng MMDA ang Highway Patrol Group sa pagpapatupad ng dry run ng HOV scheme at provincial bus ban.

Hindi muna pagmumultahin ang mga mahuhuling lalabag sa HOV scheme habang P2,000 naman ang multa sa mga provincial bus kapag nahuli sa EDSA kapag rush hour.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.