'Sigang' pulis sa viral video, binastos umano ng mga kabataan: NCRPO

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2017 01:22 PM

MANILA - Inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Miyerkoles na sinadyang buyuin ng 2 kabataan ang pulis na nakuhanan ng video habang nakikipagtalo sa kanila nang may sukbit na baril sa kanyang baywang.

Iginiit ni PO2 Manuel Taytayon na binastos siya ng mga binatilyong magkapatid nang sawayin niya ang mga ito dahil sa pagharang ng kanilang sasakyan sa kalsada.

"Ang explanation niya is talagang binastos siya ng 2 bata," ani NCRPO chief Director Oscar Albayalde sa panayam ng ABS-CBN.

Makailang ulit aniyang binusinahan ni Taytayon ang magkapatid, pero hindi siya pinansin ng mga ito.

"Iyung bata, mayroon atang piso o limang piso at tinuktok iyung passenger side kung saan nakaupo ang kanyang asawa," dagdag ni ni Albayalde.

"Noong ibinababa na niya ang bintana, doon na siya pinagmumura na unang nagmura raw po ang mga bata. Bumaba siya. Pati ang asawa raw po niya ay minura."

Mayroon din aniyang testigo na "talagang nagpapatunay na ini-provoke itong si PO2 Taytayon."

Sa kabila nito, sinibak na sa puwesto si Taytayon habang iniimbestigahan ang insidente at video nito na nag-viral na sa internet, ani Albayalde.

Kasalukuyan aniyang nasa regional holding and accounting unit ang pulis. Kinumpiska na rin ang service firearm at police badge nito.

Nahaharap din si Taytayon sa kasong child abuse dahil sa pananakit at pagbabanta umano sa mga naka-away na bata.
 
Nagsampa naman ng kontra demandang libel at cyberbullying si Taytayon laban sa magkapatid dahil sa mga social media post nila ukol sa insidente, na ikinasira umano ng kanyang reputasyon.

Gayunman, kumakalat sa social media ang bagong video ng hiwalay na insidente ng umano'y pambabastos at pagmumura ni Taytayon.

Sa naturang cellphone video, makikita ang isang lalaking naka-sando at jogging pants na nagagalit sa mga binatilyong nagbibisikleta sa Baywalk, Manila.

Pinaalis, minura, at tinawag na "bastos" ng lalaki ang mga kabataan, ayon sa nag-post ng video na tumangging humarap sa camera.

Positibong kinalala ng Southern Police District (SPD) ang lalaki bilang si Taytayon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.