PAGASA: Maulan na panahon, asahan ngayong Huwebes

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2017 06:23 AM

 

MAYNILA - Asahan muli ang mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa ngayong Huwebes dahil sa hanging habagat, ayon sa state weather bureau PAGASA.

Sa 4 a.m. forecast, sinabi ng PAGASA na makararanas ng mahina hanggang katamtaman na pag-ulan, gayundin ng thunderstorms, ang Luzon, kasama ang Metro Manila, Visayas, at hilagang Mindanao. 

Alas-4:00 ng umaga, naglabas ng yellow rainfall warning ang PAGASA sa Zambales at Bataan. Ayon sa PAGASA, posibleng magdulot ng pagbaha sa mabababang lugar ang mga pag-ulan.

Bandang alas-5:00 naman ng umaga, naglabas ang PAGASA ng thunderstorm advisory sa Metro Manila, Bulacan, Batangas, Cavite at ilang bahagi ng Rizal. 

Posibleng tumagal ng hanggang 3 oras ang malakas na ulan sa mga nabanggit na lugar. 

Imahen mula sa PAGASA website

Ayon sa PAGASA, ang habagat ay patuloy na pinalalakas ng bagyong "Noru" (international name) na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility. 

Nitong Miyerkoles, binaha ang ilang bahagi ng Rizal dahil sa mga pag-ulan. Sa isang lugar sa Cainta, Rizal, umabot pa ng hanggang dibdib ang baha. 

Para sa latest sa lagay ng panahon, tumungo sa ABS-CBN Weather Center.  

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.