Uber, Grab na walang prangkisa, bawal na sa Hulyo 26

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2017 11:23 PM | Updated as of Jul 18 2017 02:43 AM

Sa mga suki ng Uber o Grab, asahan nang magiging mahirap ang mag-book nito simula sa Hulyo 26.

Pagbabawalan na kasi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bumiyahe ang libo-libong Uber at Grab drivers na sinasabing walang prangkisa.

Sa ngayon, 56,000 drivers ang ang namamasada gamit ang Grab o Uber. Sila ang tinatawag na transport network vehicle service (TNVS) drivers.

Pero ayon sa LTFRB, 3,700 lang ang TNVS drivers na may certificate of public convenience o prangkisa para mamasada.

Ayon sa batas, kung walang prangkisa, walang pasada. Kundi, colorum na maituturing ang namamasada at puwedeng hulihin.

Simula Hulyo 26, ito ang paghihigpit na gagawin ng LTFRB sa TNVS drivers. Ito ay matapos ang paglabag ng transport network companies tulad ng Grab at Uber nang mag-activate pa rin ng drivers kahit wala pang prangkisa, o provisional authority na pansamantalang nagpapahintulot ng pamamasada.

Sa petisyon ng grupo ng TNVS drivers laban sa desisyon ng LTFRB, sinabi nitong ginawa nila ang kanilang parte at naiwan lang daw na nakatengga sa ahensiya ang kanilang mga aplikasyon.

Pero buwelta rito ni LTFRB Board Member Aileen Lizada, kulang-kulang umano ang requirements na ipinasa ng ilang nag-apply para sa prangkisa.

“We will not deactivate. We continue to support our partner drivers. We are working with government on best way forward to level the playing field up,” saad ng pahayag ng Uber kaugnay nitong isyu.

Pahayag naman ng Grab: "Grab stands by the side of its partner-drivers who represent the safest, most reliable transport service providers in the country."

Kanina, mismong si Lizada ang nag-random inspection sa mga tanggapan ng Uber at Grab. Ikinagulat niya ang tila patuloy pa rin na pag-activate ng Uber sa TNVS drivers, bagay na ipapapaliwanag niya sa kumpanya.

Kuwento pa sa kaniya ng isang TNVS driver, mababaon sa utang ang driver kung hindi makapasada.

Bumuhos naman sa social media ang suporta para sa TNVS. Trending sa twitter ang “#WeWantUberGrab" at sa isang public poll, 99.7% ng halos 70,000 sumagot ang nagsabing mas kampante sila sa Uber o Grab kumpara sa pagsakay sa taxi pagdating sa kaligtasan.

Para sa LTFRB, pagkakataon ito ng taxi operators at drivers na patunayang maayos din ang kanilang serbisyo.

-- Ulat ni Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.