Batas militar sa Mindanao, inirekomendang palawigin

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2017 08:23 PM | Updated as of Jul 18 2017 02:36 AM

Pormal nang inirekomenda ng Department of National Defense (DND) at ng Philippine National Police (PNP) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig ng martial law. 

Isinumite na ng DND at ng PNP ang kani-kanilang position paper isang linggo bago matapos ang 60 araw na batas-militar sa buong Mindanao. 

Sa kanilang position paper, kapwa kinakatigan ng dalawang tanggapan ang pagpapalawig pa ng martial law. 

Isa sa mga inilatag na rason ng PNP sa rekomendasyong ito ay ang pagtugis sa mga narco-politician na nagbibigay ng suportang pinansiyal sa grupong Maute.

"Kung mahuli lahat ng identified na narco-politicians at sigurado tayo na hindi na maglipana ang droga at saka yung isa pang mabigat na problema na inilagay namin sa aming position paper is 'yung paglipana ng loose firearms diyan sa Mindanao, particularly sa Marawi at Lanao del Sur," ayon kay PNP chief Director General Ronald dela Rosa.

Kailangan din nilang matunton ang mga nagkalat na loose firearms sa Mindanao, aniya. 

"We have to account the loose firearms muna bago natin siguro puwedeng i-lift ang martial law," dagdag ni dela Rosa. 

Wala namang inilagay na panahon ang PNP kung hanggang kailan ang extension. 

"Sa amin, wala kaming inilagay na time frame. It is up to the president kung gaano kahaba ang gusto niyang i-request. Gusto niyang mangyari na extension but sa amin, walang time frame. Bahala si presidente," ani dela Rosa. 

Hindi naman nagbigay ng detalye ang DND ukol sa kanilang position paper. Subalit sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kinonsulta rin niya ang Armed Forces of the Philippines sa naging rekomendasyon.

"We will have to wait for the president's final decision on the matter. What I submitted to him was my recommendation from the security sector as administrator of martial law in Mindanao after consulting with the Chief of Staff of the AFP General Eduardo Año," ani Lorenzana. 

Gayumpaman, kapwa naniniwala ang PNP at DND na lalong kailangan ang batas militar sa gagawing rehabilitasyon sa Marawi.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.