‘Artistic shots’ sa SONA ni Duterte, babawasan ng direktor

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2017 08:34 PM | Updated as of Jul 18 2017 02:06 AM

Nagsagawa na ng ocular inspection sa Batasan Pambansa ang direktor na si Brillante Mendoza para sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte sa Lunes, Hulyo 24.

Si Mendoza rin ang nagdirek ng unang SONA ni Duterte noong nakaraang taon.

Libre ang ginagawang pagdidirek ni Mendoza.

Nabatikos noong nakaraang taon ang madilim at nakaka-distract umanong anggulo ng camera sa SONA.

Kaya naman ngayong taon, babawasan na ng direktor ang ‘artistic shots’ sa Pangulo.

Pinaghahandaan din ang pagpapalabas ng black-and-white na mga retrato ng trabaho ng Pangulo sa kaniyang unang taon.

Magkakaroon ng technical rehearsal para rito ngayong linggo sa plenaryo.

Inaabangan naman ng mga mambabatas ang pagtalakay ng Pangulo sa mga isyu tulad ng pagpapaliban ng 2017 barangay election at pagpapalawig ng martial law sa Mindanao. 

Inaasahan din ng mga kongresista na mas mahaba ang SONA ng Pangulo kumpara noong nakaraang taon. 

Kasuotang may kaugnayan sa Mindanao, ibibida sa SONA

Tulad noong isang taon, iiwasan ang magarbong pananamit sa SONA.

Pagbibigyan naman ng mga kongresista at iba pang personalidad ang hiling sa kanilang magkaroon ng kaugnayan sa Mindanao ang kanilang kasuotan para sa SONA.

Pinuri rin ng beteranong designer na si Renee Salud ang tagubilin para sa okasyon.

Nitong weekend lang, napakita niya kay Duterte at kaniyang grupo ang mga pananamit na inspired ng Mindanao tapestry. 

Gagawin din ni Salud ang kasuotan nina Lipa, Batangas Rep. Vilma Santos. at Tourism Sec. Wanda Teo.

Napili naman ni Agriculture Undersecretary Berna Romulo ang kasuotang may koneksiyon sa tribo ng Bagobo.

Sang-ayon din si Albay Rep. Edcel Lagman sa simpleng kasuotan tulad ng barong para sa mga lalaki.

Pero higit pa sa tradisyonal na isusuot sa SONA, ayon kay Lagman, mas importanteng kilatisin ang mensahe at nagawa ng Pangulo.

Samantala, sinuspende na ni Mayor Herbert Bautista ang klase sa parehong pampubliko at pribadong paaralan sa Quezon City para sa araw ng SONA. 

-- Ulat nina RG Cruz at Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.