Dinukot na negosyante at drayber, 'pinatutubos' sa halagang $2 milyon

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2017 02:45 PM

Para sa mag-amang sina Reuben at Robin Tan, masigasig na negosyante ang ilaw ng kanilang tahanan na si Edeltrudes “Edel” Tan. Higit pa rito, mapagmahal ding asawa at ina si Edel.

Kaya lubos ang kanilang pag-aalala nang matagpuang abandonado at tadtad ng tama ng bala ang sasakyan ni Edel sa isang kalsada sa Norzagaray, Bulacan noong March 25, 2017.

Nag-alala rin sila dahil nawawala rin ang kasamang drayber ni Edel na si Jayson Puyo.

“Blangko kami eh. Kasi in-ambush, tapos in-abduct. Wala iyong driver,” sabi ni Reuben.

Sa pagsisiyasat ng otoridad, may nakitang mga bakas ng dugo sa driver’s seat ng sasakyan.

“May blood stain sa driver seat. Doon na ‘ko naging balisa. Doon na ‘ko hindi mapakali,” ani Rea Concuera, kinakasama ni Jayson.

“Tumakbo sa isip ko na may tama [ng baril] siya. Hindi ko alam kung buhay pa.”

Nagkumahog ang mga kaanak ng mga biktima sa paghahanap ng lead sa kinaroroonan ng mga biktima. Humingi na rin ng tulong ang pamilya Tan sa mga kaibigan nila.

“Kahit punerarya pinasok namin kasi nga di namin alam kung buhay pa. Baka tinapon na lang sila sa kung saan,” sabi ni Rea.

Anim na araw ang lumipas nang makatanggap ng text ang pamilya Tan. Nakasaad sa mensahe ang ransom demand na $2 milyon mula sa mga umano’y dumukot kina Edel at Jayson.

Dahil sa kumpirmasyong kidnap-for-ransom ang motibo sa pagkawala nina Edel at Jayson, inihanda ng mga Tan ang halagang hiningi ng mga kidnapper. 

 

“May kaunting relief, at least noong nag-text sila sa’min, nasa kanila, ligtas [sila]. Kahit magkano hingin, basta mabalik lang si mommy, okay na, iyon lang iniisip namin,” banggit ni Robin.

Pero naging tuso ang kidnappers dahil naging urong-sulong ang naging negosasyon.

Nasaan na nga ba sina Edel at Jayson? Ano pa kaya ang ibang motibo sa nasabing krimen? Sundan ang imbestigasyon sa SOCO ngayong Sabado, 4 p.m. pagkatapos ng “Ipaglaban Mo!” sa ABS-CBN.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.