COA: Ex-DOT chief, posibleng kasuhan dahil sa Tulfo show ad

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2018 01:22 AM

Kinuwestiyon din ng COA ang P2 bilyong gastos ng DOT sa ilalim ni Teo

Watch more in iWantv or TFC.tv

Wala na sa Department of Tourism (DOT) ang nagbitiw na si Secretary Wanda Teo, pero posible pa rin siyang habulin sa kasong graft dahil sa inilabas na report ng Commission on Audit (COA).

"Based on internet research, Kilos Pronto was created and developed by Bitag Media Unlimited Inc. produced by Ben Tulfo, a brother of Secretary Wanda Tulfo-Teo - Secretary of DOT. Considering that the DOT Secretary and the producer of Kilos Pronto are siblings, there is a possible conflict of interest which may be a violation of Section 3(e) of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act," sabi ng COA report. 

Ito ay kaugnay ng ad placement ng DOT sa programang "Kilos Pronto" ng Bitag Media Unlimited Inc. na pino-produce ng kapatid ni Teo na si Ben Tulfo.

Magkapatid ang dalawa, kaya posibleng may conflict of interest at posibleng paglabag sa anti-graft and corrupt practices act, dahil sa mahigit P80 milyong ibinigay sa Kilos Pronto. 

"P89,878,000 or 75 percent of the computed contract cost will be paid to the program Kilos Pronto which is under the company owned by the brother of the DOT Secretary," saad ng COA report.

Dagdag ng COA, idinahilan ng DOT na mura pero may pakinabang naman ang paglalagay ng ads sa PTV.

"End-user unit (Office of the Secretary - OSEC) has approved the partnership with People's Television which contains a justification in so far as the cost-efficiency and economy of the proposal," saad ng COA report.

Iginiit din ng DOT na walang conflict of interest si Teo dahil hindi parte ng memorandum of agreement ang Bitag Media.

Sabi naman ni Obmudsman Conchita Carpio Morales, makatutulong sa isinasagawa nilang fact-finding investigation kay Teo ang audit report ng COA.

"You know that we are not bound by the COA reports but they will certainly enlighten us in our investigation," ani Morales.

NOTICE OF DISALLOWANCE

Sa audit report, sinabi rin ng COA na may notice of disallowance na silang inilabas.

Ibig sabihin, kailangan na talagang ibalik ang perang natanggap ni Tulfo.

Umaasa naman ang Malacañang na ibabalik ni Tulfo ang pera.

"Well, they said it and we expect them to comply with what they said," ani presidential spokesperson Harry Roque.

Nilinaw din ng Ombudsman na hindi ibig sabihing absuwelto agad sa kaso si Teo kung ibabalik ng kapatid niya ang pera.

"Even if the subject has returned the amount subject of the notice of disallowance, it is not automatically considered as quashal of the offense committed," ani Morales.

P2 BILYONG GASTOS

Bukod sa ad placement sa PTV-4, kinuwestyon din ng COA ang mga gastos ng DOT sa panahon ni Teo na aabot sa P2 bilyon.

Kabilang dito ang P847 milyon para sa mga lokal na proyekto, P605 milyon para sa mga proyekto sa ibang bansa, P19 milyon para sa biyahe ng mga opisyal ng DOT, P271 milyon para sa programang Philippine Experience Campaign, at P224 milyon para sa ad placements sa international TV networks.

Sa bawat puna ng COA ay may paliwanag ang DOT tulad ng pagbuo ng team na magmomonitor sa mga gastos.

"[DOT] Management replied that they will issue an appropriate order creating a composite team from concerned sectors to undertake the monitoring and evaluation of programs," saad ng COA report.

Sa pahayag naman ni Teo, iginiit niyang malinis ang kaniyang konsensiya at kumpiyansang wala siyang ginawang paglabag sa batas.

Handa siyang sagutin ang mga alegasyon.

"My conscience is clear. I am confident that during my stint as Department Secretary, I did not commit or knowingly allow any violation of the Anti-Graft Law, or any other law for that matter. In any event, I shall answer these allegations in the proper forum. God bless the Philippines," pahayag ni Teo.

Sa inilabas naman na pahayag ng DOT sa ilalim ng pamumuno ng bagong-talagang DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat, opisyal at naaayon sa mga regulasyon ang mga biyahe sa DOT pero maaari rin silang maghigpit kung kinakailangan.

"While the Department of Tourism (DOT) reiterates that all travels are official in nature and have adhered to the government procedures, it assures the Commission on Audit (COA) that it will review and revisit the agency's existing guidelines on the foreign travels of its officials and personnel issued January 2018, and if necessary, come up with a more stringent version while staying true to its mandate of creating a favorable image of the Philippines within the international community and promoting a positive global view of the country," pahayag ng DOT. -- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.