Barangay chairman, pinatay sa Misamis Oriental

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2018 01:28 PM

Hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang kauupo pa lamang na barangay chairman ng Danao sa bayan ng Jasaan sa Misamis Oriental matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin. Larawan mula sa Jasaan Police


JASAAN, Misamis Oriental – Patay sa pamamaril ang kauupo pa lamang na chairman ng Barangay Danao, Biyernes ng umaga.

Ayon sa pulisya, nasa likod ng kanilang bahay si Alfredo Zapanta nang lapitan siya ng dalawang tao at pinagbabaril.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan ang 53-anyos na biktima. Hindi na rin siya umabot pang buhay sa ospital.

Agad namang tumakas ang mga salarin na naka-bonnet sakay ang motorsiklo.

Pulitika at personal grudge ang tinututukang mga anggulo ng pulisya sa pagpatay sa biktima.

Dating kagawad ng barangay si Zapanta at unang termino niya sana bilang chairman.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.