2 sugatan sa salpukan ng motorsiklo at taxi sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2018 05:19 AM

MAYNILA - Sugatan ang 2 sakay ng motorsiklo matapos bumangga sa isang taxi sa Barangay Pinagsama, Taguig City Biyernes ng madaling-araw.

Kinilala ang isa sa mga biktima na si John Michael Esmeralda na may hawak na ID ng Philippine Navy.

Wala pang pagkakakilanlan ang angkas nito na malubha rin ang tinamong mga sugat.

Parehong hindi nakasuot ng helmet ang mga biktima.

Ayon sa Police Community Precinct (PCP) 8 ng Taguig City police, palabas ng underpass ang taxi nang salubungin ito ng motorsiklo ala-1:50 ng madaling-araw.

Pagiwang-giwang at matulin umano ang takbo ng nag-counterflow na motorsiklo, kuwento rin ng mga nakakita sa insidente.

Nasa kustodiya na ng Traffic Bureau ng Taguig City ang taxi driver habang patuloy ang imbestigasyon sa nangyari. - ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.