2 arestado sa buy-bust Batangas

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2018 12:51 PM

Tiklo sa buy-bust operation ang isang dating sumuko na sa Oplan Tokhang pero bumalik umano sa dating gawain. Kasama niyang naaresto ang itinuro niyang pinagkukunan ng supply ng droga. San Jose Police

SAN JOSE, Batangas - Arestado ang isang dati nang sumuko sa Oplan Tokhang at umano'y supplier nito ng droga sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Sto. Cristo sa bayang ito, Huwebes ng madaling araw.
 
Nagkasa ng buy-bust operation ang operatiba ng San Jose Police at nahuli naman agad ang target na suspek na kinilalang si alyas "Boy" na dati nang sumuko sa Oplan Tokhang ng pulisya.

Nahuli rin sa operasyon si alyas "Pete" na umano’y supplier ni Boy ng droga.

Dumayo pa mula Sta. Clara, Batangas City ang pusher na si Pete na nahulihan ng siyam na sachet ng hinihinalang shabu.

Dalawang sachet naman ng umano'y shabu ang nakumpiska mula kay Boy. 

Ayon sa pulisya, posibleng umabot sa tinatayang P30,000 ang halaga ng may halos siyam na gramong shabu.

Bukod sa droga, may pera ring nakuha mula sa kanila na nagkakahalagang P2,000.

Kapwa naman itinanggi ng mga suspek na nagtutulak sila ng droga.

Pero inamin ni Boy na si Pete nga ang supplier niya ng ilegal na droga.

Nasa kustodiya na ng San Jose Police ang dalawang suspek habang inihahanda na ng pulisya ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kanila. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.