TINGNAN: Inspeksyon sa seldang pinagmulan umano ng 'flesh-eating' bacteria

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 11:07 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Matapos ang pagkamatay ng isang inmate ng Manila City Jail dahil umano sa necrotizing fasciitis o flesh-eating bacteria, naging hudyat ito upang magsagawa ng medical mission sa Manila Police District (MPD) Station 9 kung saan nagmula ang naturang bilanggo.

Imbes na mga baril, gamot at bulak ang hawak ng mga pulis sa medical mission para alalayan ang mga bilango na nabubutas na rin ang likod, namamaga ang binti, at butlig-butlig ang katawan.

Hindi ito ang unang beses na nag-ikot ang MPD health service sa istasyon pero kahit dalasan daw nila ito ay may malaking hamon pa rin silang kinakaharap. 

"Kulang na kulang talaga kami sa gamot. Iyung mga gamot na para dapat sa mga pulis, nagagamit na namin para panggamot sa inmates," hinaing ni Chief Inspector Exodus Gil, MD ng MPD health service. 

Sinamantala na rin ng istasyon na i-disinfect ang selda lalo’t maaaring dito nakuha ng namatay na inmate ang bacteria.

Gayunpaman, itinuturing pa rin ng Station 9 na "isolated case" ang pagkamatay ng bilanggo.

Nanawagan na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Department of Health (DOH) at local health offices na alalayan sila sa naturang problema. 

Nag-request na rin ang Station 9 ng tulong mula sa Manila City Health Office gaya ng mga gamot sa pagtatae, ubo't sipon, at mga antibiotic sa pigsa. 

Nangako naman ang opisina ng tulong ngunit tila malabo pa raw mapagbigyan ang isa pang hiling na pag-iikot sa mga istasyon. 

"If we provide them medical personnel specifically doctors, that would mean no doctor in a particular health center," paliwanag ni Dr. Aileen Lacsmana, OIC ng Manila City Health Office.
    
Nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa Manila City Health Office para mabigyang atensyon ang mga inmate at masuplayan sila ng karagdagang gamot. 

—Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.