Kawatang nanloloob sa Antipolo subdivision, tinutugis

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 11:52 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tinutugis na ng mga awtoridad ang isang kawatang nakapambiktima umano ng halos 20 residente ng isang subdivision sa Antipolo City.

Ayon kay Superintendent Villaflor Bannawagan, hepe ng Antipolo police, patuloy nilang inaalam ang pagkakakilanlan ng kawatan.

"May mga suspects na kami doon pero hindi pa namin ma-pinpoint nang husto," ani Bannawagan. 

Labis namang nababahala ang homeowners' association ng naturang subdivision sa dami ng mga residenteng nabiktima sa loob ng tatlong buwan. 

"Iisa lang ang mukha na dine-describe nila," sabi ni Boots Grajo, opisyal ng homeowners' association ng subdivision. 

Umaga nitong Miyerkoles nang mapansin ng mag-asawang Soniel na nawawala ang kanilang dalawang laptop.

Sa kuha ng CCTV pasado hatinggabi ng Miyerkoles, makikitang tumalon sa bakod papasok ng subdvision ang isang lalaki.

Makalipas ang apat na oras ay lumabas ito ng subdivision na may bitbit nang bag, na naglalaman daw ng mga laptop ng mga Soniel.

"'Yong lumabas, may sling bag and definitely that's my sling bag. Tapos mas malaki 'yong laman ng sling bag so ang suspetsa ko doon, 'yong isang laptop pinasok na din niya doon," ani Cocoy Soniel. 

Sa kuha naman ng CCTV noong Hunyo 30, bandang alas-tres ng madaling araw, kita ang pag-akyat-baba ng kawatan sa isang opisina ni Rolando Dela Paz sa subdivision.

Dahan-dahang pumasok ang lalaki sa isang kuwarto at tinangay ang laptop, cellphone, at perang nagkakahalagang P30,000.

Ayon sa mga biktima, ang creek sa labas ng subdivision ang nagsisilbing daanan ng kawatan papasok at palabas sa kanilang lugar.

Balak ng homeowners' association na dagdagan ang mga bantay at magpakabit ng mga CCTV camera sa palibot ng subdivision.

--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.