Dela Rosa: Higit 20 opisyal ng BuCor may kaso dahil sa ilegal na aktibidad

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 07:45 PM

ZAMBOANGA CITY - Mahigit 20 opisyal at corrections officers na ang sinampahan ng kasong kriminal at administratibo ng Bureau of Corrections (BuCor) matapos silang masangkot sa ilegal na aktibidad ng mga sindikato sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Ayon kay (BuCor) chief Ronald Dela Rosa, naging kasabwat ng mga drug syndicate ang ilan sa mga opisyal at corrections officers kapalit ang perang ibinibigay sa kanila ng mga umano'y drug lord na nakakulong sa NBP sa Muntinlupa City.

Sa kaniyang pagbisita sa San Ramon Prison and Penal Colony dito Huwebes ng umaga, sinabi ni Dela Rosa na ginagamit ng mga drug syndicate ang ilang bayarang corrections officer at opisyal ng BuCor para makalusot sa kanilang selda ang ilang electronic gadget tulad ng cellphone.

Ginagamit ito ng mga sindikato para sa kanilang ilegal na transaksiyon sa loob at labas ng piitan.

Dagdag pa ni Dela Rosa, hindi pa tuluyang natatanggal sa serbisyo ang higit 20 empleyado ng BuCor na kasabwat ng mga sindikato ng droga dahil sa apela nila sa Department of Justice.

Kinausap na umano niya si Justice Secretary Menardo Guevarra at hiniling na sana'y bilisan ang pagresolba sa mga kaso ng mga nasabing empleyado ng BuCor.

Inamin ni Dela Rosa na sa kabila ng kanilang pinaigting na kampanya laban sa droga sa Bilibid ay patuloy pa rin ang operasyon ng ilang sindikato.

Mahirap umanong sugpuin ng tuluyan ang droga sa mga pasilidad ng BuCor dahil sa lalim at lawak ng problema at sa dami ng kasabwat ng mga sindikato.

Pero naniniwala si Dela Rosa na unti-unting mababago ang masamang imahe ng BuCor sa publiko dahil sa pagpapatupad ng modernization program.

Sa ilalim ng programang ito ay inaasahang tataas ang sahod ng mga opisyal at corrections officers, maging ang kanilang mga benepisyo.

Umaasa si Dela Rosa na hindi na matutukso ang kanilang mga personnel na tumanggap ng pera mula sa mga drug syndicate, kasunod ng pagtaas ng kanilang sahod at benepisyo.
 
Nagpaalala rin si Dela Rosa sa kanilang mga opisyal at corrections officers na hindi siya magdadalawang-isip na tanggalin sa serbisyo ang sinuman sa kanila na magiging sangkot o kasabwat ng mga sindikato ng droga sa loob ng piitan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.