Dating kagawad, patay sa pamamaril sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 04:50 AM

CEBU CITY - Patay ang isang dating barangay kagawad matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Imus Avenue, Cebu City Huwebes ng hatinggabi.

Kinilala ang biktima na si Glenn Mark Manal na dating nanungkulan bilang konsehal sa Barangay Lorega San Miguel.

Ayon sa Parian Police Station, pauwi na si Manal galing sa isang lamay nang barilin. Naisugod pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Narekober ilang kilometro sa crime scene ang motorsiklo na umano'y ginamit ng mga salarin.

"Iniimbestigahan pa natin ito. Masyadong madilim dito kaya siguro dito ginawa ang pamamaril," ani PO3 Chady Jungoy, imbestigador ng Parian Police Station.

Si Manal ay kabilang sa partidong Bando Osmeña Pundok Kauswagan (BOPK). Tumakbo siyang kapitan sa nakaraang halalan pero natalo.

Naging aktibo rin si Manal na miyembro ng barangay mayor's office (BMO) sa kanilang lugar. - ulat ni Donna Lavares, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.